Lokis-lokis talaga ang sked ko since January. Nagsimula ang lahat sa mga marathon meetings sa Cebu para sa katatapos lang na One Visayas Arts Fair sa Cebu International Convention Center noong Marso 1-8. Tatlong beses akong fly sa Cebu, dalawang beses tumawid ng dagat to Bacolod for these meetings. Pero feel ko na rin dahil may I visit sa Aviary ang lola niyo, at magaling magmasahe si Owl at Eagle. Friendly din ang mga taga-Bacolod kaya hapi si iyay.
Enter pa itong February Arts Month. Dalawang exhibits pa ang ginawa namin - yung traveling exhibit on Evelio B. Javier, at yung tribute kay Edsel H. Moscoso. Kaloka talaga. Buti na lang yung meeting sa Bacolod, kasama na ang hiram ng paintings kay Donya Lyn Gamboa. May limang sketches pala ang manding niyo ng Mosocoso, kasama na ang portrait ng anak niyang si Toto Jack. Dati palang tambayan ni Edsel ang Bacolod, mga circa 1975 yun, baka dun siya nakapagtinda ng maraming paintings sa mga rich and famous ng Sugarlandia. Anyways, ginawa namin itong dalawang exhibit kasabay ng rehearsals ng komedyang dinidirek ko para sa pasundayag ng Antique sa One Visayas. Mabuti na lang remount na lang itong komedya at mabilis pumik-ap ang mga artista, kahit medyo hindi kagalingan ng iba. Keri na rin. Magaling naman kasi ang bida kong si MacLaurence Saligumba. Komedya actor naman kasi sa barangay nila sa San Antonio, Barbaza.
Nagitigil ang rehearsal dahil attend pa ang byuti ko ng 2nd National Children's Museum Conference sa Talisay, Negros Occidental noong Feb 19-21. Bunga nito, pursigido na akong gawin ang aking Balay ni Datu Lubay bilang isang children's museum. Ewan ko lang kung paano ito maging interactive, dahil maliit lang ang space at lumang bahay na iyon, pero may paraan diyan, am sure. Maraming akong natutuhan sa conference na iyon, pero ang highlight ay ang dalawang eyeballs. Hahahaha. Charing lang. Ang highlight talaga ay iyung visit namin sa Sagay Children's Museum, at ang out-of-conference visit sa bahay ni Bambu Tonogbanua. Yes, the popular Christmas Village in Bacolod. Pero hindi lang pala Christmas Village ang pride na Bambu. Mistulang museum ang art gallery na rin ang place niya, sa dami ng art collections ng lola. Ang favorite ko dun ang mga woodcarvings na mega-folk art ang drama. Wish ko ding bumili noon, pramis ko pagbalik ko sa Bacolod ay para pumunta lang sa iskultor at bumili noon. Visit din pala kami sa The Ruins, pero yun lang yun. Bago kami umuwi, inikot muna kami ni Donya Lyn G. Bumisita kami sa Tana Dikang Museum sa Talisay, sa Shell Chapel sa Sta. Clara, San Sebastian Church, at Negros Showroom. Siempre pa may I buy kami ng mga kung anik-anik na pasalubong. Ang best buy ko yung mga ceramics na nakita namin along the road sa Talisay. Mga overruns yata yun. OA naman talaga ako pag nakakita ng bargain na mga ganyan. Naubos ang datung ko, buti na lang nanlibre si Lyn G sa isang Japanese resto for lunch, at hinatid pa ako sa pier.
Pagbalik ko sa Antique after the conference, tutok na naman sa One Visayas. Rehearse ng komedya, arrange ng mga flights ng mga superstar ng OKM, tickets ng mga artista, plano ng exhibit namin sa Antique Pavillion. Naisipan ko ba naman dalhin ang mural ni J. Elizalde Navarro na super laki naman, wala ka porter ang bumuhat sa pier sa Iloilo. Arts fair kasi iyon, at ayoko namang magdala ng tarpulin lang. Orig artworks ang dinala namin. Dalawang paintings pa ni Edsel Moscoso, magagandang patadyong, tatlong manekin ng komedya costume, at isang kimona patadyong ensemble, para ipakita din ang folk arts ng Antique.
Hindi naman nahuli ang Antique Pavilion, in fairness, pero winner sa One Visayas ang Capiz sa ganda ng kanilang pavillion at dami ng sinalian. Halos lahat ng araw may performances sila. Bongga talaga si mama Al Tesoro. Paano naman si Mar Roxas ang Guest of Honor sa opening no. Yung ibang pavilions nga lang, puro tourist destination at puro tarpulin ang display. Yung Negros naman, si Leandro Locsin ang kanilang centerpiece. Yung Bohol, may magandang diorama na ginawa daw ng mga fine arts students, bilang centerpiece, at super tarp ng mga old churches nila, winner na rin. Ang Cebu, napakaelegante ng pavillion, centerpiece ang sofa na kung hindi ako nagkamali ay Kenneth Cobonpue. Winner naman ang mga pinamili ko: mga colorful banig from Samar, baskets from Biliran, wood carving from Leyte, at shells. Lafu kami ng lafu ng barbeque with pinuso. Hindi ko na ikukuwento yung night out namin sa The Navigator. Boring yun. Bumili din ako ng mga Sto. Nino sa Basilica, at binigay sa staff ko.
Bongga talaga ang Cebu pag naghost ng event. Flowing ang wine and food galore sa mga pa-cocktails at dinner. Nakipag-chickahan pa ang lola niyo kay Gov. Gwen Garcia, na sobrang bait at maganda, super fairness. Hindi ko lang mahangpan kung bakit aliw na aliw ang mga Cebuano sa streetdancing. Gabi-gabi may streetdancing. Sa opening sobrang sandosenang streetdancing, na sa totoo lang, pagkatapos ng ikalima ay hikab nang hikab na aketch. Kung hindi lang nakaupo ako sa pinakaharap sa grandstand at makikita ni Governor ko kung umalis ako, ay naku. Buti na lang yung sa bandang dulo na performers magaganda. Winner para sa akin ang Pakol Festival ng Negros Oriental, yung saging motif. Second yung Palawod Festival, na tinalo ang Capiz sa pagka-seafood galore. Third na nga ang festival ng Siquijor na sobrang ganda sa visuals, pero kailangang pa ng konting tightening kung baga. Yun ay kung ako ang judge. Wala namang contest yun, inaliw ko lang ang sarili ko sa pagkunwaring judge daw kami ng mga friendships from Iloilo and Capiz.
Marso 5-6, iniwan ko muna ang Cebu at fly ako to Manila para sa Ambagan Wika conference sa UP Diliman. Bongga talaga sa UP dahil sa ordinaryong araw mo makasalubong mo ang mga artist at manunulat na mababasa mo lamang sa mga diyaryo, magasin, etc. Nagkakape kami ni kaibigang John Barrios at may I rampa na lang si Pandy Aviado. Umapir si kaibigang Vim Nadera na siya palang nagbigay ng pangalan ko sa komite kaya napasok ako sa kumperensiyang iyon. Nung araw na yun, halos lahat ng mga guro sa CAL ay nandun, yun pala nung hapon pagkatapos ng sesyon ay may book launching si Pambansang Alagad ng Sining Rio Alma at may parangal para sa kanya dahil magreretiro na siya bilang dekano ng CAL. Kaya nagkita-kita kami doon nina Frank Rivera at Art Cassanova, na parehong kaibigan ni Rio. Nakichika din sa amin ang makatang Teo Antonio. Nandun din si Bien Lumbera na isa pang Pambansang Alagad ng Sining. Binati ko si Nic Tiongson na dating boss sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, nakibeso kay Jing Hidalgo. Nasiplatan ko rin si Jimmy Abad. Pero hindi na ako tumagal para sa party ni Rio, dahil pagod na ako at may last-minute dagdag-bawas pang ginawa para sa papel na babasahin kinabukasan.
Kasama kong bumasa ng mga papel sa Ambagan-Wika sina Rober Anonuevo na nagsalita para sa Tagalog, John Barrios (Hiligaynon), Abdon Balde Jr. (Bicol) - kalog pala itong si Jun, masarap kakwentuhan, Albina Pecson Fernandez (Kapampangan). Ako naman para sa Kinaray-a. Yung iba hindi ko masyadong naalala ang mga pangalan, kasi hindi naman kami nagkaroon ng pagkakataong magkasabay sa coffeebreak o sa tanghalian. Pero maganda ang kumprensiyang iyon. Sana ay masundan pa, at bibilis ang pagyabong ng Filipino bilang pambansang wika.
Bago ako bumalik sa Cebu, dumaan ako ng NCCA at sa Silahis Gallery, at hindi ko napigilan ang sarili kong bumili ng lakub, mula sa Maranao. Matagal ko nang gustong magkaroon nito sa aking koleksiyon. Kaya bitbit ko pa ang dalawang putol ng kawayang may makulay na disenyo hanggang sa Cebu.
At yun po ang aking ulat, kung paano ako namuhay nitong first quarter. Hindi pa ito magtatapos. Siguradong mas marami akong gagawin sa susunod na buwan dahil Binirayan season na sa Antique. Kaya kung may dapat akong gawin para sa inyo at hindi ko pa nagawa, kayo na ang bahalang magpasensiya sa akin. Tatapusin ko pa ang powerpoint ko para bukas. Vavoo.
No comments:
Post a Comment