Bago pumanaw si Cory Aquino ay nag-quarantore pa sa EDSA Shrine. Ito ay 40 oras na padasal para humingi ng himala. Pero bago pa man natapos ang 40 oras ay namatay si Cory. Walang himalang nangyari.
Baka ang mensahe para sa mga Filipino ay hindi na kailangan ng himala. Minsan nang nabiyayaan ng himala ang ating bansa, noong EDSA 1986 Revolution. Naging simbolo ng spiritwalidad si Cory Aquino, at mahal na mahal siya ng simbahang Katolika. Mga pari at madre ang kakampi niya sa EDSA. Ngayon ay kailangan nating lutasin ang ating mga problema sa sariling tiyaga, kayod, at tamang pag-iisip. Hindi na si Tita Cory ang magdadala ng himala sa atin.
Noong natapos ang administrasyon ni Cory, maraming kritiko ang nagsabi na wala ring nagawa si Cory bilang presidente. Mababang marka ang binigay sa kanya. (Mukhang walang nakakaalala nito, at hindi nabanggit sa lahat ng mga programa ng ABS-CBN). Wala rin daw nangyari sa Pilipinas. Pero ngayon - bago pa man siya pumanaw - halos lahat ay nagsasabing siya ang pinakamabuting presidente pagkatapos ni Marcos.
Naalala ko ang huling speech ni Cory bilang presidente, sinabi niyang "let history be the judge..." at mukhang natutunan na rin ng sambayanan ang kabutihang dala ni Cory Aquino. Habang nanonood sa telebisyon, hindi maiiwasang maiyak, hindi dahil sa lungkot, kundi sa tuwa na biglang nagkakaisa muli ang mga Filipino sa pagluluksa para kay Cory. Nakakaantig ng damdamin ang mga eksena sa Ayala kahapon habang dumadaan ang kabaong ni Cory. Biglang bumalik ang mga eksena noong 1983 nang pinaslang si Ninoy. Napakaraming tao. Lahat ay halos naluluha-luha habang nagwawagayway ng dilaw na bandila o ng Laban sign. (Pero hindi ba ito rin ang karamihan na bumoto kay Erap at kay Gloria?) Ang pagpanaw ni Cory Aquino ay isa lamang wake up call para sa ating mga Filipino para muling usisain kung saan na patungo ang demokrasyong pinaglaban natin noong 1986. Kaya bayani pa rin si Cory, at hindi siya nagkulang hanggang sa katapusan ng kanyang buhay.
Pero hindi ko rin maiwasang isipin na isa sa mga bunga ng pagkapresidente ni Cory ay ang pagsikat ni Kris Aquino. Walang naniwalang may talento si Kristeta noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz. Pero anak siya ng presidente kaya kailangang gawan ng paraan ni Mother Lily. Ipinareha pa siya kay Richard Gomez noon sa "Ang Sosyal at ang Siga," at pati ang komedyanteng Rene Requestias ay pinatulan niya. Nagpaka-cheap pa si Kris sa Fido Dida. Minsa'y tinawag pa siyang The Fallen Star dahil nahulog o nadulas siya sa entablado sa isang palabas sa Cubao. Pero dahil sa kanyang pagsisikap at determinasyon, at katatagan sa gitna ng napakaraming hamon sa kanya (e.g. Philip Salvador, Joey Marquez, Robin Padilla) isa na siya sa pinakamalalaking bituin ng ABS-CBN. At halata namang may impluwensiya sa istasyon.
Ngayon full-coverage ang binibigay ng network sa luksa para kay Cory. At napaka-star-studded ng necrological service para kay Cory sa Miyerkules. Kakanta si Lea Salonga, Jose Mari Chan, Jed Madela, Zsazsa Padilla, etc. At yan ay dahil kay Kris Aquino, na kasamahan sa pinakamalaking TV network. Hindi ba ilang beses na iiyak-iyak si Kristeta sa mga programa niya para magpasalamat sa mga suporta sa kanilang pamilya habang nasa ospital si Cory? Hindi ba gusto mong yakapin si Kris nang tanggapin niya ang pakikiramay ni Imelda Marcos? (Oh, sadyang nagkabuklod-buklod ang mga Filipino!), at palakpakan nang tanggihan niya ang pakikiramay ni Gloria? Kaya hindi malayong ang lahat ng atensiyon at pagmamahal na binibigay ngayon ng buong bansa kay Cory ay kalahati galing sa tunay na paggalang sa dating pangulo at sa kanyang nagawa para sa bayan, at kalahati dahil sa imahen at dramang nabuo ng media (in this case ABS-CBN) sa pamagitan ni Kris Aquino. Nakikita din natin kung sino at ano talaga ang malakas na impluwensya sa madla.
Hindi na kailangan pa ng himala. Matagal nang sinabi ni Nora Aunor: Walang himala! Nasa puso natin ang himala!
No comments:
Post a Comment