http://www.neobux.com/m/v/?rh=646174756C75626179

Sunday, April 12, 2009

Tayo na pa rin ba sa Antipolo?

29 Marso 2009.

Maaga pa akong umalis sa Malate nang linggong iyon. Maluwag pa ang LRT. Maluwag din ang MRT. Relatively walang tao sa Crossing, where I should take the ride to Antipolo. Napakatagal na noong last trip ko sa Antipolo. Nalulungkot nga ako, dahil dati pumupunta ako sa Antipolo para bisitahin ang love ko. Familiar ako sa eksenang ito.

Pero nitong trip ay iisa lang ang objective ko: mamili ng folk toys. Sabi kasi ni Mara Montelibano, sa Antipolo na lang ngayon makakabili ng mga tradisyunal na laruan. Naalala ko tuwing pupunta ako noon may mga taka, palayok, at nakabili pa ako nga ahas na gawa sa pinagdugtong-dugtong na kawayan.

Kay tagal mapuno ng van sa Crossing. Dadalawa pa lang ang pasahero nang sumakay ako. Nakaidlip pa yata ako. Pero mabilis din ang biyahe. Malawak na pala ang Ortigas Extension patungong Cainta. Ibang-iba na rin ang view. Hindi ko na halos nakilala ang De Castro at Junction. Pamilyar sa akin ang mga lugar na ito. Natira ako noon sa Cainta, sa Taytay, sa De Castro sa Pasig. Dahil sa love. Hay naku'ng love yun.

Long and winding road pala at uphill battle ang daan patungong Antipolo. Naalala ko na nga. Nagturo ako noon sa Assumption Antipolo, halos 20 years ago. May magandang park ng mga estatwa sa nagsasangang daan papasok sa bayan at papuntang Tanay, Rizal. Ibang-iba na rin ang J.P. Rizal St. na tinutumbok ang shrine ng Our Lady of Good Voyage. Naalala ko rin noon, pumunta kami ng ex ko sa simbahang ito para sa blessing ng brand new kotse ng ex niya. Hay, love talaga.

Napakaraming tao sa Antipolo. Pero puro kasuy lang ang tinda. Wiz ang mga toys na inaasahan ko. Puro mga balloons lang na made in China. May nagtitinda ng palayok na kinulayan ng orange, pero 150 pesos naman. Taray. Kala siguro ng tindera balikbayan ako na willing to pay an arm and a leg for a palayok. Di niya alam 20 pesos ang isang set niyan sa Bari, Sibalom. And I could paint it better pa. Binagtas ko ang Oliveros St. papuntang palengke. Walang mga laruan na hanap ko. Pinatulan ko na lang ang pekeng Barbie na dinamitan ng ginantsilyong gown. Kung dito ginantsilyo ito, bongga. Pero kung made in China din, ewan ko na lang kung ano ang future ng local toys industry. Nakabili na ako ng pekeng Barbie na may ginantsilyong damit sa Divisoria. Tatlo isandaan ang bentahan doon. Sa Antipolo 80 pesos na. Bumili na lang ako ng lalaking manika, para may Ken ang tatlong chipanggang Barbie ko.

Habang kinukulit ako ng isang baklita para bumili ng kasuy niya, nasalubong ko ang mamang may lakong daga na gawa sa foam at may rollers sa ilalim, may hinihilang sinulid para tumakbo-takbo ang foam rodent na may polkadots. Binili ko ang tatlo, at takang-taka ang vaklush kung bakit mas type ko ang mga daga kaysa kasuy niya. Nagpumilit pa rin siya. Pasalubong ko daw sa love ko. Wala akong love ngayon, sabi ko. E di sa family. Hindi nila type ang kasuy. Chos!

Nilapitan ako ng aleng bungal na nagtitinda ng balloons. Sir, bili niyo din ako ng balloon, sabi niya. Ay, di ko type ang balloon, say ko. E, bakit yung daga niya binili niyo? E kasi, ginawa lang niya, yung balloon mo made in China. Spongebob ba naman ang hugis ng balloon.

Pabalik na ako sa sakayan pabalik sa Megamall nang nadaan ako sa flowershop na may tindang maliliit na basket. Bumili ako ng isa, at may nakita pa akong takang kalabaw na mukhang pusa. Bagay ito sa daga. Baka daw sa Mayo pa may magtitinda ng mga taka. Galing pa ito ng Paete. Ok lang dahil nakabili na ako nito sa Paete. Yung isang nagtitinda ng mga plastik na laruan, di alam ang taka. Ano ba iyon, tanong niya. Tinitigan ko siya sa mata: Hindi ka tagarito, ano? Tagarito, pagsisinungaling niya. Hindi ako naniwala. Mas matanda pa siya sa akin. E bakit hindi mo alam ang taka? Saka niya inaming ang mister lang niya ang tagarito. Tanungin mo si mister mo mamaya, sabi ko. May tinda din siyang palayok, kaya binilhan ko na lang. Binigay niya ng 45 isang set. Kumuha ako ng orange.

Pagkatapos noon, sumakay na ako ng van. Masaya na rin ako sa pinimili ko, pero may halong lungkot dahil wala na ang ibang laruang gawa sa taka, sa kahoy, kawayan o lata. Wala na kahit turumpo. Wala na kahit tirador man lamang. At ang iba, ni hindi alam kung ano ang taka. Puro kasuy na lang at santong gawa sa resin ang tinda sa Antipolo. May isang tindera pa na pinipilit akong kahoy daw ang santo niya. tiningnan ko ang kamay, nakikita ko pa ang linya ng mold na ginamit. Sinungaling ka, sabi ko sabay pakyut.

Yung isang tindera naman, may papier mache na kasuy na display. Alam kong dekorasyon lang iyon sa mga kiosko nila. Pero dahil kitang-kitang interesado ako, sabi 400 daw ang isa. Mahal naman, sabi ko. E kasi sir, wala nang gumagawa niyan dito, patay na, sabi niya. Aba talagang wala, sabi ko, dahil sa Paete binibili iyan. Tig-25 pesos iyan sa shop ni Lino Dalay sa Paete, at di lang kasuy, may mangga, makopa, atis, kalabasa at kung anu-ano pa.

May sinulat akong tula noon tungkol sa Linggo sa Antipolo. Napablis sa Diyaryo Filipino, at muli sa Sunday Inquirer. Di ko lang makita ang kopya ko ng "Mga Kanta ni Datu Lubay" ngayon. Mas dumami lang ang tindera sa Antipolo ngayon, pero ganoon pa rin ang pakay ng mga pilgrims na pumupunta doon. Manalangin at bumili ng kasuy. Ako lang yata ang sumadya noong Linggong iyon para maghanap ng laruan.

No comments: